Lagnat Na Karamdaman, Hindi Alam ang Dahilan (Adulto)
Mayroon kang lagnat, ngunit hindi alam kung ano ang dahilan. Natural na reaksyon ng katawan ang lagnat sa isang karamdaman kagaya ng mga impeksiyong sanhi ng isang virus o bakterya. Kung minsan, maaaring magdulot ng lagnat ang ibang kondisyong gaya ng kanser o mga sakit sa imyunidad. Mas malamang ito kung tumagal nang higit sa isa o 2 linggo ang iyong lagnat. Sa karamihang kaso, hindi mapanganib ang mas mataas na temperatura. Nakakatulong pa nga ito sa katawan na labanan ang mga impeksyon. Hindi kinakailangang gamutin ang lagnat malibang labis ang nararamdaman mong kawalang-ginhawa.
Kung minsan, maagang senyales ng isang malubhang impeksiyon o iba pang kondisyon ang lagnat. Kaya mag-follow up kung hindi bumubuti o nagsisimulang lumubha ang iyong kondisyon.
Pangangalaga sa tahanan
Malibang binigyan ng ibang mga tagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan, sundin ang mga tagubiling ito kapag inaalagaan mo ang iyong sarili sa tahanan.
Pangkalahatang pangangalaga
-
Kung hindi malala ang iyong mga sintomas, magpahinga sa bahay sa ng mga 2 hanggang 3 araw. Kapag aktibo ka na ulit, huwag hayaan ang iyong sarili na labis na mapagod.
-
Para sa iyong pangkalahatang kalusugan, huwag manigarilyo. Lumayo din sa usok ng sigarilyo ng iba.
-
Maaari mong maramdamam na ayaw mong kumain nang marami. Kaya't mainam ang pagkain ng kaunti. Panatilihing sapat ang tubig sa pamamagitan ng pag-inom ng 6 hanggang 8 baso ng likido kada araw. Kasama rito ang tubig, soft drinks, sports drink, mga juice, tsaa, o sabaw. Kapag mayroon kang pagbabara ng ilong, nakakatulong ang karagdagang likido na mapaluwag ang mga bara sa ilong at mga baga.
Mga Gamot
-
Maaari kang uminom ng acetaminophen o ibuprofen para sa kirot o para pababain ang iyong temperatura, maliban kung binigyan ka ng ibang gamot na gagamitin. Kung mayroon kang pangmatagalang sakit sa atay o bato o nagkaroon ng ulser sa sikmura o pagdurugo ng sikmura at bituka, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung umiinom ka ng gamot na pampigil sa pamumuo ng dugo. Huwag magbigay ng aspirin sa sinumang mas bata sa edad na 19 maliban kung itinagubilin ng tagapangalaga. Maaari itong maging sanhi ng malubhang sakit na tinatawag ng Reye syndrome. Kadalasang nakaaapekto ito sa utak at atay.
-
Kung binigyan ka ng mga antibayotiko para sa impeksyon, inumin ang mga iyon hanggang sa maubos, o hanggang sa sabihin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na ihinto na ito. Mahalagang ubusin ang mga antibayotiko kahit na bumuti ang pakiramdam mo. Ito ay para makatiyak na wala na ang impeksyon. Hindi kadalasang ibinibigay ang mga antibayotiko para sa impeksiyon ng virus o lagnat na hindi alam ang dahilan.
-
Hindi paiikliin ng mga gamot na nabibili nang walang reseta ang itatagal ng sakit. Ngunit maaring makatulong ang mga ito sa mga sintomas. Kabilang sa mga ito ang ubo, pananakit ng lalamunan, o pagbabara ng ilong o sinus. Magtanong sa iyong parmasyutiko para sa mga iminumungkahing produkto. Huwag gumamit ng mga decongestant kung mayroon kang mataas na presyon ng dugo.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo.
-
Kung isinagawa ang pag-culture o iba pang pagsusuri sa laboratoryo, sasabihan ka kung kailangang baguhin ang iyong paggamot. Tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ayon sa itinagubilin para sa mga resulta.
-
Kung isinagawa ang mga X-ray, CT scan, MRI scan, o ultrasound, susuriin ang mga ito ng isang espesyalista. Sasabihan ka kung may anumang natagpuan sa iyong resulta na makaaapekto sa iyong pangangalaga. Tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ayon sa itinagubilin para sa mga resulta.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga ito:
-
Hirap huminga o lumunok, o may sipol na paghinga
-
Pananakit ng dibdib
-
Pagkatuliro
-
Matinding pagkaantok o hirap gumising
-
Pagkahimatay o pagkawala ng ulirat
-
Mabilis na tibok ng puso
-
Mababang presyon ng dugo
-
Pagsusuka ng dugo, o maraming dugo sa dumi
-
Kumbulsyon
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Ubo na may maraming may kulay na sputum (mucus)
-
Dugo sa iyong plema
-
Matinding pananakit ng ulo
-
Pananakit ng mukha, leeg, lalamunan o tainga
-
Pakiramdam na inaantok
-
Sakit sa tiyan
-
Paulit-ulit na pagsusuka o pagtatae; pagtatae na may dugo
-
Pananakit ng kasu-kasuan o bagong pamamantal
-
Mahapdi kapag umiihi
-
Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga
-
Giniginaw na nangangaligkig
-
Nanghihina o nahihilong pakiramdam
Online Medical Reviewer:
Barry Zingman MD
Online Medical Reviewer:
L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Date Last Reviewed:
6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.